Biyernes, Hulyo 13, 2012

MARUNONG NA AKONG MAGLABA NG BRIEF


Sabi ng tatay ko, hindi man daw ako paladin na makapasa sa board exam, ang mahalaga daw ay may maiikwento ako sa mga anak at apo ko na naging masaya naman ako nung mga oras na nagrereview ako kasama ang mga kaklase ko. Siyempre iba pa din kung talagang makakapasa ka, hindi mapapantayan yon. Ang pagkapasa mo ang magiging reward ng magulang mo sa lahat ng pagpapakahirap nila para makatapos ka ng pag aaral. At ang kakaibang experience mo naman kasama ang mga kaibigan mo habang nagrereview ka ang siya namang pinakareward mo bilang isang dating estudyanteng nagkandahulog hulog sa mga major subjects na dumaan sa madaming pulang marka sa classcard at halos hindi mabilang na pagpapacute at pagmamakaawa sa mga prof makagraduate ka lang.
Sa tuwing naaalala ko ang mga nangyari noong nagrereview ako, napapangiti na lang ako lalo na kapag tinutugtog ang Breakeven ng The Script. Naging musika kaze yun noong review days namin, paulit ulit pinapatugtog ng kaklase ko sa loob ng boarding house, umaga, tanghali, gabi.
  • Naranasan ko kaze kung gaano kahirap abutin ang isang bagay na pinilit lang sayong ipaabot. Yung maranasan mong puyat na puyat ka kakaaral na halos iuntog mo na ang ulo mo sa pader kaze kahit anong gawin mo ay hindi mo masaulo ang mga formulas at equation na kahit puro manila paper ang nakapaskil sa bawat dingding ay hindi mo pa din makabisado ng ayos. 
  • Yung pagkamulat mo pa lang ng mata mo, bubungad na agad sayo ang sangkatutak na formulas na naging wallpaper na ng aming kwarto. Pati kisame ay meron. Para habang hinihintay mo daw ang sarili mong makatulog, makakapag saulo ka pa ng konti.
  • Yung wala akong alam sa pagluluto at sa kahit anong gawaing bahay na minsan ay nagtitiyaga na lang akong kumain sa kalapit na carinderia na dejavu lagi ang ulam o kaya naman ay ang walang kamatayang de lata na hindi ko din kayang buksan mag isa pero natuto akong magluto ng chopseuy at pinakbet. Marunong na din akong tumingin kung sariwa yung isda sa palengke. ^^
  • Yung brief ko na simula pagkabata hanggang sa pagtuntong ko ng college ay ang inay ko pa ang naglalaba kaze hindi ako marunong magkusot at magpiga at ang alam ko lang ay magsampay at lagyan ng ipit para hindi lipadin ng hangin. Noon lang ako natutong maglaba kaze wala naman ang inay ko para gawin yun. Nakakahiya din naman kung ipapalaundry ko pa ang brief ko sa laundry shop.
  • Ang isang malaking pagtatangkang buksan ang mga makakapal kong libro noong college na ni minsan ay hindi pumasok sa isip ko na basahin at titigan man lang. Oo, kahit ang sakit sakit sa pakiramdam, pinilit ko talagang basahin para lang makapasa sa hinayupak na board exam na yan.
  • Ang sumakay ng LRT at MRT kaze wala namang ganun dito sa batangas. Yung hindi mo maintindihan kung papano mo ipapasok ang card habang umuusok na sa galit ang mga nagmamadaling pasahero sa likuran mo at ang unforgettable siksikan moment ko sa loob ng LRT.
  • Yung kailangan mong magmadali sa paliligo dahil may mga nakapila pa. Bukod pa yung maririnig mong malakas na katok dahil sa isa mong kasamang nagtatae.
  • Naranasan din naman kung paano kagalitan at isumpa ng mga kapitbahay sa sobrang ingay namin tuwing gabi. Sa parteng yun ay wala talaga silang magagawa kaze sadyang malalakas ang boses ng mga taga batangas. Sa sobrang galit ng matandang aleng nagpapatulog ng kanyang sanggol ay sinabihan kaming sana ay hindi daw kami makapasa sa board exam.
  • Yung budgeted ang pera mo sa loob ng isang buwan at kelangan mo talagang tipidin.
  • Yung magkakasama kayo sa lahat ng bagay, matulog, mag aral, sumakay ng jeep, malate sa review center, magsimba, mangulangot, mag inom, mamulutan, umutot, magdrama, maghiludan, magluto, mamalengke, blah blah blah blah.. hanggang sa pati yung itsura nila na adapt ko na din.
OO. Nakapasa ako sa board exam. Masaya. Sobra. Kaze kaya ko pala. Pero sa totoo lang, habang lumilipas ang panahon, tulad ngayon na magdadalawang taon na, mas nangingibabaw sa isip ko ang mga masasayang pangyayari kasama ang mga kaklase ko na pwede ko na ding ituring bilang mga kapatid ko. Isa ito sa mga hindi mapapantayang parte ng buhay mekaniko ko. 

LIPAT BAHAY

Matagal ko ng gustong gawin ang bagay na ito pero ngayon lang ako nagkalakas ng loob para ito'y subukan. Sabi ko sa sarili ko, hinding hindi ko iiwan ang tumblr dahil dun ko nakilala ang mga taong naging sobrang malaking bahagi ng buhay ko. Doon ako natutong manirahan sa mundong mayroon pang isang mundo. Nagkaroon ako ng maraming kaibigan hanggang sa natutunan ko ng kahiligan ang pagsusulat.
Masarap magsulat lalo na kapag alam mong maraming nakakabasa nito. Yung tipong nagsasalita ka at madaming nakikinig. At masasabi mong marami kang tagapakinig kapag madami kang nakikitang 'notes' sa pinagsususulat mo. Oo, aminado akong nakakakuha ako ng madaming 'likes' at 'notes' sa kung anu anong ginagawa ko sa tumblr. Pero ang totoo, sobra akong nadidistract kapag nakikita ko yung dami ng notes na nakukuha ko.

  • Una, dahil baka makasanayan ko na marami akong notes tapos biglang dumating yung point na kumonti ito at dito ko ibase ang galing ko sa pagbblog. Ayokong maging pamantayan ang dami ng 'notes' para masabing isa akong magaling na blogger o para sabihing madaming nagbabasa sa mga posts ko.
  • Pangalawa, gusto kong maging malaya ang aking pagsusulat. Yung hindi mo iintindihin kung gaano kahaba ang iyong sinusulat basta ang mahalaga ay naiipahayag mo ang nararamdaman mo, may magbasa man yan o wala. 
  • Pangatlo, dahil wala na sila. Habang tumatagal ako sa tumblr, unti unting nawawala yung mga taong kinalakihan ko sa pagbblog, yung mga taong nakasabayan kong magsulat, makakulitan sa dashboard, at yung mga dating nakakausap na naging dahilan para manatili ako doon ng mahigit dalawang taon. 
Sabi nga ng ibang tumblristas, malaki na daw ang pagkakaiba ng tumblr noon sa tumblr ngayon. At kung tatanungin ako kung alin ang mas gusto ko, mas pipiliin ko pa din yung dati.

Minsan, hindi na natin kayang ibalik ang dati kaya sa halip na pilitin mo, ikaw yung mag adjust para sa pagbabago. Nag aadjust ako pero sa pag aadjust na ginagawa ko, napapansin kong hindi na ako yung taong tulad ng dati at ayokong maging ibang tao ako ng dahil lang sa pagbabago sa aking paligid. Kaya naisipan kong gawin ito kung saan mas maipapahayag ko kung sino talaga ako. 

Hindi ko naman iiwan ang tumblr, yun pa din ang buhay ko. Pero mas mabuti na yung dalawa ang bahay para kapag nasunugan ka, may malilipatan ka.